Ang Antipolo ni Fernando Amorsolo ang aking napiling tradisyunal na painting. Ito ay nagpapakita ng isang fiesta sa isang bayan. nakikita natin na nagkakasiyahan ang mga tao sa larawan. Sa likuran ng larawan, makakakita tayo ng isang malaking simbahan, at kahit hindi medyo nakikita, mayroon din doon na mga dekorasyon ng pang fiesta.
Para sa akin, ito ay isang tradisyunal na painting dahil, unang una, ipinapakita nito ang isang ideyal na lipunan at pamumuhay ng mga tao. Ideyal ito dahil nakikita natin na nagkakasiyahan ang mga tao, hindi naghihirap, dahil araw nga ng fiesta.Nakikita natin ang isang ideyal na pamumuhay ng mga tao, na kahit siguro maraming kailangan gawin, ay iniiwan na muna nila ang mga ito upang makipag fiesta at makisama sa mga tao sa bayan. Ideyal, dahil nakakahanap pa sila ng oras para magpahinga at maging masaya, kahit kailangang magtrabaho . Nagpapakita ito ng ideyal na lipunan dahil nakikita natin na nagkakasundo ang mga tao ng bayan para sa fiesta, walang gulo, at kung saan naibabahagi nila ang kanilang mga pinaghirapan, gaya nung mga prutas at nung lechon na makikita sa gilid, sa ibang tao para sa fiesta.
Tingnan naman natin ang iba pang mga detalye sa painting. nakikita natin na marami silang mga prutas na naka display, berdeng berde ang ibang bahagi ng lupa, at mukha namang malinis ang kanilang paligid. Ipinapakita lamang nito na pinapahalagahan ng larawan na ito ang konsepto ng kalikasan, maayos na kalikasan. Isa pa itong dahilan kung bakit tradisyunal ang painting na ito. Ipinapakita niya na kailangan ng tao ang kalikasan, dahil maraming prutas ang nakahanda para sa fiesta, kaya kung masisira ang kalikasan, wala silang prutas. Ang pagkaberde naman ng kapaligiran ay nagpapakita ulit ng ideyal na mga "notion"; ideyal naman na paligid ang ipinapakita: malinis, berde, at may koneksyon sa kalikasan.
Isa pang detalye ng larawan na nagpapakita ng pagiging tradisyunal ay ang malaking simbahan sa likuran. Ipinapakita nito na may relihiyon parin sa buhay ng mga tao. nakalagay nga ito sa itaas na bahagi ng larawan, kaya baka gusto ipahiwatig nito na namumuno parin ang simbahan at relihiyon sa mga tao.