Monday 10 September 2012

Filipino Online Journal #7: Metanarrative ng Aking Buhay


Isa sa mga pinakamatimbang na metanarrative sa aking buhay ay ang metanarrative ng pag-aaral. o edukasyon.  Ang mga tao ay nag-aaral ng mabuti dahil sinasabing aasenso ka kapag ikaw ay magaling sa klase., na kapag nakapag-aral ng mabuti at nakagraduate ng kolehiyo ay magiging maayos na ang buhay at madali nang makakahanap ng trabaho. Ngunit hindi ito totoo sa ibang kaso. Marami nang umasnso kahit hindi nakatapos ng high school o kolehiyo, gaya nina Bill Gates at ni Steve Jobs, kaya masasabi nating hindi sukat ng kakayahan ng tao ang mga marka na nakukuha sa paaralan. Ngunit ako, bilang isang estudyante, ay nagsusumikap parin na makapasa sa kolehiyo, dahil kahit hindi ito isang surefire way to success, ito ay isang stepping stone na makakatulong parin sa aking kinabukasan.

 Ito ay isang matimbang na metanarrative sa aking buhay dahil unang-una, ako nga ay isang estudyante; ito ang aking buhay ngayon, mag-aral nang mag-aral hanggang makatapos. Hindi lamang itong bahagi ng pag-aaral ang kasama sa metanarrative na ito, kundi pati na rin ang mga ekspektasyon ng mga tao, lalo na ang aking mga magulang, sa akin pagkatapos ko mag graduate ng high school. Dahil ako ay salutatorian ng aking batch, inaasahan ng mga tao na magiging madali sa akin ang buhay kolehiyo, na madali akong makakapasa. Inaasahan parin nila ako na magiging honor student parin ako, ngunit hindi ito ang nangyayari ngayon. Nahihirapan ako sa buhay kolehiyo, at kahit nakakapasa pa naman ako, hindi na gaya ng dati na nakakatop pa ako sa klase. Pero iyon ang katotohanan, mas mahirap ang kolehiyo, at hindi ibig sabihin na kapag magaling ka noong high school ay magaling ka na rin ngayong kolehiyo, dahil ibang level na ito ng pag-aaral. 


Isa pang matimbang na metanarrative sa aking buhay ay ang entertainment: TV, video games, movies, music pati na rin ang iba pang anyo ng entertainment gaya ng pagbabasa ng libro. Lahat ng ito ay ginagamit natin upang aliwin ang ating mga sarili. Ito ay para lamang sa ating leisure time, ngunit ito lamang ba ang layunin ng mga ito? Nagagamit din sila bilang parang pangtakas sa realidad ng buhay, sa mga problema, kahit hindi ito ang solusyon sa mga problemang iyon. Ganito rin ang aking pagiisip tungkol sa TV, libro, music at iba pa. Sa musika, nakakahanap tayo ng kanta na ang mga lyrics ay parang may kinalaman sitwasyon natin ngayon, kung may problema ka man o masaya. Sa mga kwentong fiction na naipapakita sa TV, video games, libro at mga movies, parang nagiging bahagi tayo ng kwento, parte ng mundo ng mga karakter, o kung hindi naman ganun ay nakakarelate tayo sa mga karakter. 

Pangtakas sa realidad ng buhay. kahit alam nating andyan parin ang mga problema at ang realidad, itong mga anyo ng entertainment ay ginagamit parin natin upang kalimutan ang mundo. Isa itong matimbang na metanarrative sa aking buhay dahil ganito rin ang pagtingin ko sa kanila, at dahil, syempre, naging malaking bahagi ng aking buhay ang mga ito. Minsan nga'y iniisip ko kung anong mangyayari kapag naging totoo ang isa sa mga binasa kong mga libro o mga nilaro kong video game. Ito ang lagi kong naiisip sa mga anyo ng entertainment na ito, parang "refuge" sa lahat ng nangyayari ngayon.

Friday 24 August 2012

Filipino Online Journal #6: Antipolo ni Fernando Amorsolo


Ang Antipolo ni Fernando Amorsolo ang aking napiling tradisyunal na painting. Ito ay nagpapakita ng isang fiesta sa isang bayan. nakikita natin na nagkakasiyahan ang mga tao sa larawan. Sa likuran ng larawan, makakakita tayo ng isang malaking simbahan, at kahit hindi medyo nakikita, mayroon din doon na mga dekorasyon ng pang fiesta.

Para sa akin, ito ay isang tradisyunal na painting dahil, unang una, ipinapakita nito ang isang ideyal na lipunan at pamumuhay ng mga tao. Ideyal ito dahil nakikita natin na nagkakasiyahan ang mga tao, hindi naghihirap, dahil araw nga ng fiesta.Nakikita natin ang isang ideyal na pamumuhay ng mga tao, na kahit siguro maraming kailangan gawin, ay iniiwan na muna nila ang mga ito upang makipag fiesta at makisama sa mga tao sa bayan. Ideyal, dahil nakakahanap pa sila ng oras para magpahinga at maging masaya, kahit kailangang magtrabaho . Nagpapakita ito ng ideyal na lipunan dahil nakikita natin na nagkakasundo ang mga tao ng bayan para sa fiesta, walang gulo, at kung saan naibabahagi nila ang kanilang mga pinaghirapan, gaya nung mga prutas at nung lechon na makikita sa gilid, sa ibang tao para sa fiesta. 

Tingnan naman natin ang iba pang mga detalye sa painting. nakikita natin na marami silang mga prutas na naka display, berdeng berde ang ibang bahagi ng lupa, at mukha namang malinis ang kanilang paligid. Ipinapakita lamang nito na pinapahalagahan ng larawan na ito ang konsepto ng kalikasan, maayos na kalikasan. Isa pa itong dahilan kung bakit tradisyunal ang painting na ito. Ipinapakita niya na kailangan ng tao ang kalikasan, dahil maraming prutas ang nakahanda para sa fiesta, kaya kung masisira ang kalikasan, wala silang prutas. Ang pagkaberde naman ng kapaligiran ay nagpapakita ulit ng ideyal na mga "notion"; ideyal naman na paligid ang ipinapakita: malinis, berde, at may koneksyon sa kalikasan.

Isa pang detalye ng larawan na nagpapakita ng pagiging tradisyunal ay ang malaking simbahan sa likuran. Ipinapakita nito na may relihiyon parin sa buhay ng mga tao. nakalagay nga ito sa itaas na bahagi ng larawan, kaya baka gusto ipahiwatig nito na namumuno parin ang simbahan at relihiyon sa mga tao.

Friday 3 August 2012

Filipino Online Journal #5: Final Fantasy X at Organikong Kaisahan

"... the people and the friends that we have lost, or the dreams that have faded... Never forget them."
-Yuna, ending line of FFX
Final Fantasy X ulit ang aking gagamiting halimbawa, dahil isa ito sa paborito kong mga video game, at madaling makita ang organikong kaisahan ng mga elemto ng kuwento dito. Pagusapan muna natin ang mga elemento ng kuwento dito.( May mga detalye na ng kwentong ito sa naunang online journal; makikita dito ang buong kwento: http://finalfantasy.wikia.com/wiki/Final_Fantasy_X)

Ang pangunahing tauhan nga dito ay si Tidus, na kapag malayo layo ka na sa istorya, malalaman mo na siya, at ang Zanarkand na kanyang tirahan, ay manifestation lamang ng dreams of the Fayth, ang mga kaluluwa ng dating nanirahan sa tunay na Zanarkand, na sabi ko nga dati ay nawasak dahil sa digmaan. Nagsisimula ang kuwento in medias res, o sa gitna, kung saan isinasalaysay na ni Tidus ang kanyang paglalakbay hanggang sa puntong iyon ng kuwento. Hindi ito ang tradisyonal na banghay kung saan nagsisimula talaga sa simula ang kuwento, ngunit mas naiintriga tayo kung ano ba ang nangyari sa mga tauhan sa kuwento Ang kuwento ay nakatagpo sa mundo ng Spira, kung saan nga baguhan lamang si Tidus, siya ay panaginip lamang ng Fayth, kaya wala siyang masyadong alam sa mundong ito. Masasabi ko na maraming tema ang makikita sa Final Fantasy X, ngunit ang mga nangingibabaw ay ang adventure, family, hope at pursuit of the truth. Lahat ng mga temang ito ay tumutulong sa atin sa pagintindi pa ng kuwento, hindi lamang isa.
The Fayth

Paano ito nagkaroon ng organikong kaisahan? Lahat ng mga elementong ito ay nakabuo ng isang sobrang gandang kuwento. Kung hindi si Tidus ang ating punto de bista, iba na din ang ating pagtingin sa kuwento. Dahil isang outsider si Tidus sa Spira, mas nakikita niya ang katotohanan, katotohanan na hindi na makita ng mga taga Spira dahil ito'y itinago sa kanila, at binigyan sila ng mga kasinungalingan na kanilang papaniwalaan ( ang Teachings of Yevon). Iba rin ang tingin natin sa iba't ibang makikita sa kwento dahil pag-iisip ni Tidus ang ating nakikita at nagagamit, at mas nagiging emosyonal ang kwento dahil parang mararamdaman mo na rin ang nararamdaman ng tagapagsalaysay. Nakikita din natin ang Spira bilang isang mistikong lugar, at mas nakikita natin ang kagandahan ng mundo na hindi natin makikita sa paningin ng isang Spiran dahil sila'y sanay na sa mga tanawin na ito. Kung hindi naman sa isang makalumang mundo ng magic at relihiyon ang tagpuan ay mawawala rin ang mistikong makikita natin sa kuwento. 

Ang kanyang banghay naman ay tumutulong din sa kabuuan ng kwento. Dahil ito'y nagsimula sa pagsasalaysay ng kanilang paglalakbay sa kalagitnaan ng kuwento, mas naiintriga tayo, at mas nasasabik naman tayo malaman kung papaano ba sila napunta sa sitwasyong iyon. Dahil din sa kumplikado nitong tunggalian, mas napapahalagahan din natin ang kuwento. Sa simula, ang nagpapasuad ng kuwento ay ang paghahanap ni Tidus ng paraan para makabalik sa kanyang Zanarkand, ngunit nang malaman niya ang katotohanan ng lahat at katotohanan sa sarili niya, ang nagpapausad na sa kuwento ay ang desire niya na tulungan si Yuna, talunin sina Sin at Seymour at tulungan ang mga mamamayan ng Spira.

"I fight for Spira. The people long for the Calm. I can give it to them. It's all I can give. Defeating Sin, ending pain... this I can do."- Yuna
 Lahat ng mga ito ay may kaugnayan rin sa mga temang sinabi ko kanina. Adventure dahil sa kanilang paglalakbay sa Spira, at pagdiskubre ng maraming bagay; Family, dahil sa kanilang paglalakbay, mas naging malapit ang mga pangunahing tauhan sa kwento sa isa't isa, na sila'y naging para naring isang pamilya; pursuit of truth, dahil hanggang sa huli, hinanap nila ang katotohanan na nangyayari sa Spira, ang katotohanan sa likod ng kanilang relihiyon, ang katotohanan na walang saysay ang sakripisyong kailangan gawin ng mga summoner kagaya ni Yuna at ang katotohanan sa katauhan nina Tidus at Sin;at Hope, dahil hindi nawalan ng pag-asa si Tidus na makakabalik siya sa Zanarkand, dahil hindi silang lahat nawalan ng pag-asa kahit parang imposible nang matalo si Sin, dahil tuluyan nilang bingyan ng pag-asa ang mga mamamayan ng Spira sa kanilang misyon;  O, diba lahat ng elemnto ay may koneksyon sa isa't isa, pati na rin sa tema. Dahil sa kanilang taglay na organikong kaisahan, mas napapaganda ang istorya. Dahil sa kanilang koneksyon sa isa't isa, mas naipapakita ang kabuuan ng buong kwento. Ito ang organikong kaisahan.


"Listen to my story. This...may be our last chance."
-Tidus, Final Fantasy X opening lines





"When it is all over..."
"We will wake, and our dream will end."
"Our dream will vanish."

-Bahamut's Fayth, talking to Tidus

Friday 27 July 2012

Filipino Online Journal #4: Final Fantasy X

 Ngayong linggo, tinalakay namin ang mga iba't ibang katangian ng moderno at tradisyonal na panitikan, sa isa nitong anyo, ang maikling kwento. Ang tradisyunal daw na panitikan ay romantiko, at may ideyal na kaayusan ng mga bagay. Ito rin ay patriyarkal at sumusunod sa mga istiryutipo, lalo na sa kasarian. Sa mga tradisyunal na maiikling kwento, may katangian ito ng pagiging didaktiko (nagtuturo ng aral), at laging may malinaw kung sino ang mga masaama at kung sino ang mga mabubuti, dahil sa tradisyonal na mga kwento, halos laging may good vs. evil na konsepto.

Ang moderno naman ay realistiko. Ito ay praktikal at makatotohanan. Mayroon din itong taglay na malayang pag-iisip, at mga liberal na ideya. Hindi na rin masyadong nakikita ang mga tipikal na istiryutipo ng mga tao, lalo na sa kasarian.


Paguusapan ko naman ngayon ang isa sa mga paborito kong video game, ang Final Fantasy X. Hindi ko lang ito nagustuhan dahil sa kanyang gameplay, kundi pati na rin sa kanyang magandang istorya at soundtrack (musika). Mababasa niyo ang kanyang kuwento dito: http://finalfantasy.wikia.com/wiki/Final_Fantasy_X. Mayroon din ditong mga link na magpapakita ng mga character description ng mga tauhan at kung ano-ano pang may kaugnayan sa kanyang kuwento. 


Para sa akin, ang kanyang kuwento ay may halong tradisyonal at modernong mga aspekto. Ito ay tradisyonal dahil mayroon itong tema ng romantisismo, na makikita natin sa dalawang bida sa laro, sina Tidus at Yuna. Sa buong kuwento, makikita natin ang kanilang love story. Sa eksenang ito, dito na makikita ang kanilang pagmamahal sa isa't isa, kung saan parang inisip na rin nilang umalis na lamang at magsama :


Image du Blog chocoboworld.centerblog.net
Sin
Isa pang tradisyonal na katangian nito ay ang pagkaroon ng istiryutipo sa kasarian, kahit hindi naman masyado. Si Yuna ay pinapakita bilang isang mahinang babae, na kailangan ng maraming tagapagtanggol sa kanyang pilgrimage, ngunit ito' sa pisikal lamang, dahil mayroon siyang malakas na kalooban. Ipinapakita rin na isang malakas na lalake si Tidus sa kuwento, ngunit hindi siya ang nasusunod dito dahil siya lamang ay baguhan sa mundo nina Yuna. Tradisynal din ito dahil, sa simula palang, alam mo na kung sino ang dahilan ng kanilang paghihirap, si Sin, na sumira sa kanilang mga lungsod, dahil sa kanyang monstrous na anyo. Ngunit, isa lamang siya sa mga kontrabida ng  game  na ito. Isa pang pagkatradisyonal nito ay ang good vs evil  na tema, na nagsimula pa noon sa mga tradisyonal na mga kuwento.
Simbolo ni Yevon



Mayroon din itong mga modernong aspekto. Isa na dito ang ideya ng paghihimagsik sa huli, na kung saan nalaman na ng ating mga bida ang katotohanan sa kanilang relihiyon, na sumisilbi na ring basehan ng kanilang gobyerno, ang Teachings of Yevon, at ang mga masasamang intensyon ng isa sa kanyang mga lider na si Seymour. Sila'y nagrebelde dahil dito. Dahil sa ideya ng paghihimagsik, mayroon na ring liberal na kaisipan na nailagay sa kuwento. 
Seymour

Isa pang aspekto ay ang kumplikado nitong pagpapakita ng mga kontrabida. Sa simula at hanggang sa dulo, si Sin nga ang pangunahing kalaban, ngunit hindi siya ang dahilan ng lahata ng gulo. Si Yu Yevon ang dahilan nitong lahat, kahit wala siyang direktang koneksyon sa ating mga bida. At, may isa pang kontrabidang lalabas, si Seymour, na masasabing pinakakontrabida sa kanilang lahat, dahil siya ang may pinaka maraming interaksyon sa mga bida. Tradisyonal nga ito dahil nakita natin na si Sin ay isang pangunahin na kontrabida, ang direktang dahilan ng kanilang paghihirap, at dahil sa itsura ni Seymour, na sa isang tingin palang, parang nakikita mong hindi siyang ordinaryong tauhan lamang, ngunit moderno rin ito dahil mas malalim pa at mas kumplikado ang pagkilala natin sa tunay na mga kontrabida.


Ito ay ang mga paborito kong musika na galing sa Final Fantasy X. Ang mga video ay nagpapakita ng mga iba't ibang parte ng kuwento.





Ito naman ay mga eksena sa FFX:









Salamat po sa pagbabasa! :)

Sunday 22 July 2012

Filipino Online Journal #3: Mutya ng Ateneo Entablado

 
            Para sa akin, ang dalawang dula na itinanghal noong Mutya ay parehong tradisyonal at moderno. Ang unang dulang “Mga Santong Tao” para sa akin, ay mas tradisyonal. Ang dulang ito ay tungkol sa paghihiganti ng mag-asawang sina Tinay at Ambrosio sa mga makapangyarihang mga tao sa kanilang lugar, dahil sa kanilang mga masamang balak kay Tinay.  Ito ay isang tradisyonal na dula dahil sa dayalogong ginamit. Lahat ng linya ng mga karakter sa tula ay patula, na may tugma. Ito ay isa sa mga katangian ng tradisyonal ng panitikan. Gumagamit din kasi ito ng parang malalalim o makalumang mga salita.

 Isa pang dahilan kung bakit ito ay tradisyonal ay dahil sa kanyang tagpuan, panahon pa siguro ng mga Kastila, panahon kung kalian relihiyon pa ang namumuno. Nakikita natin ito sa mataas na posisyon ng kura sa kanilang bayan, sa ipinakitang mga inukit na imahe ni Jesus sa kahoy, at pati na rin sa mga pagpuwesto ng mga kontrabida sa dula nang sila’y pinatago sa silid. Masasabi na rin naing tradisyonal ang dula, dahil sa papel ng relihiyon dito.

Ngunit, mayroon ding modernong mga katangian ang dula. Isa na dito ay ang kanyang komdeya. Ito ay umiikot sa erotisismo at sekswal na mga tema, na nakikita natin sa kanilang mga sinasabi, at mga aksyon. Ang ganitong tema ay hindi mo masyadong makikita sa mga tradisyonal na panitikan. Isa pang modernong aspekto nito ay ang pagkakaroon ng bidang babae na hindi lamang sunud-sunuran sa kanyang asawa. Sa dulang ito, siya pa nga ang nag-isip ng plano kung papaano lolokohin tatlong lalaki. Ang pagsama ng peminismo sa dula ay isa nang katangian ng modernong panitikan.

Ang ikalawang dula naman , “Ang Sistema ni Propesor Tuko”, ay tungkol sa sistema ng pagtuturo ni propesor Tuko, na para sa kanyang mga estudyante, ay masyado nang makaluma, at paulit-ulit na lamng ginagamit. Para sa akin, ito ay mas moderno kumpara sa unang dula. Isa sa mga dahilan ng kanyang pagiging moderno ay ang paggamit ng wikang Ingles. Syempre, wala pang wikang Ingles noon sa mga tradisyonal na panitikan, dahil wala pang mga Amerikano sa Pilipinas ng panahong iyon.

Marami pang ibang modernong katangian ang makikita sa dula. Hindi na siya sumusunod sa patulang mga dayalogo. Mas naiintindihan na ang mga sinasabi ng mga tao sa dula dahil hindi gaanong malalim ang mga salitang ginamit. Nagpapakita din ito ng mga modernong “pop culture”.  Marami pang mga modernong bagay ang nabanggit, gaya ng pagtratrabaho ni Propesor Tuko sa Jollibee, ang pagbanggit sa mga katauhang sina Phillip Phillips at Charice Pempengco, ang pagtukoy sa basketbol, at ang pagtalakay sa lipunan ngayon.

 Gaya ng sa unang dula, mayroon din itong tradisyonal na katangian, katulad ng colonial mentality, na makikita natin kay Propesor Tuko, na mahilig lamang sa mga ginawa ng mga dayuhan. Ang colonial mentality ay nagsimula noong panahon pa ng mga Kastila, kung saan nangarap ang mga Indio na maging mataas sa lipunan. Isa pa ay an temang panloloko, na isang temang kadalasang ginagamit sa mga tradisyonal na panitikan.




Ito ay ang unang bahagi ng isang "musical" ng StarKid Productions, isang grupo ng mga dating estudyante ng University of Michigan, School of Modern Theater and Dance. Ito ay isang "parody" ng Harry Potter. Nilagay ko ito dahil para siyang tradisyonal na dula, dahil sa kanyang tema ng "magic", dahil ng sa Harry Potter at ang pagsabay ng romantisismo sa kuwento, na makikita sa tema ng pagkakaibigan sa dula, ngunit parang moderno na rin ito dahil sa kanyang komedya, pagtatanghal at mga modernong "pop culture reference". 




Salamat po sa pagbabasa :)

Katapusan ng Ikatlong Online Journal

Sunday 8 July 2012

Filipino Online Journal #2: American Gods


            Ngayong linggo naman ay tinalakay namin ang tulang " Payo Sa Bumabasa ng Tula" ni Ronaldo S. Tinio. Sa tulang ito inihambing ang pagbabasa ng tula sa pagkain ng mangga. Ang balat ng mangga ay ang istraktura at titulo ng tula. Ang laman naman ay ang mga salita, ang nilalaman ng tula at ang buto naman ay ang kahulugan ng buong tula, ang katotohanang makikita sa tula pagkatapos ng maayos na pagsusuri ng kanyang nilalaman. Para mas lalo naming maintindihan ang tula ay kumain din kami ng mangga, at inilarawan namin ang karanasang ito. Ngunit, hindi  ito totoo para sa tula lamang, pati na rin sa halos lahat ng anyo ng panitikan. Lahat ng anyo ng panitikan ay kailangan mong suriin ng mabuti, simula sa kanyang istraktura, ang titulo, ang mga tauhan, ang kanyang kaayusan, hanggang sa kanyang kahulugan o mensaheng gustong iparating ng may-akda. Para sa akin, ganito halos lahat ng pagsusuri ng panitikan, parang kumakain ka ng mangga, kaya gagawin ko rin ito sa isa sa aking mga paboritong nobela, ang "American Gods" ni Neil Gaiman. 

            Sa pamagat at itsura pa lamang ng kanyang pabalat ay napaiisip ka na kung tungkol saan ba ang librong ito. Nagkakaroon na tayo ng ideya, kahit malabo, kung anong klaseng tema ang gamit ng libro, kung ano ang kuwentong nilalaman ng nobela. Sinasabi na sa atin ng cover na parang may papalapit na bagyo, na sumisimbulo sa gulong mangyayari sa libro. Para ngang balat ng mangga, na makikita mo kung hinog ba ito o hilaw, kung iba ba itong klase ng mangga. Madilim ang tema ng nobelang ito, tungkol sa paglalaho ng mga  lumang diyos sa Amerika, ang mga diyos ng iba't ibang kultura at relihiyon na dala-dala ng mga taong sa kanilang mga isipan at paniniwala nang lumipat sa Amerika, dahil sila'y unti-unti nang kinakalimutan ng mga tao., at pinapalitan ng mga bagong diyos, kagaya ng kompyuter, plastik at Internet, mga simbolo ng modernong kultura ng Amerika, at ang kanilang malaking digmaan. Sinunsundan din nito ang kuwento ni Shadow, dating preso na kinuha ng isa sa mga lumang diyos upang tulungan siya sa kanyang mga plano.

             Gaya ng sabi ko kanina, kasali sa balat ang mga tauhan sa kuwento at ang kanilang mga katangian. Bahagi pa rin ito ng ating unang pagsusuri ng nobela kapag tayo'y nagbabasa, ang pagiintindi sa mga tauhan ng kuwento. Ang mga pangunahing tauhan dito ay si Shadow at si Mr. Wednesday. Si Shadow ay isang malaking tao, maitim, ngunit tahimik at matalas ang isip. Si Wednesday naman ay isang manloloko na hindi dapat pagkatiwalaan, at siya ang humihikayat sa mga lumang diyos na lumaban at makidigmaan sa mga bagong diyos ng Amerika. Silang dalawa ang una nating napapansin kapag binasa ang nobela, bahagi na sila ng balat, ang una mong nakikita sa mangga.


          Ngayon naman ay balatan na natin ang mangga, suriin naman natin ang laman nito. Sa aming pagtatalakay, kailangan daw hindi magmadali sa pagsusuri ng laman. Ito'y dahil hindi mo lubos na maiintindihan ang iyong binabasa kung magmamadali kang analisahin ang mga salita. Mahirap suriin ang nobelang ito dahil masyadong maraming mga pangayayari ang nagaganap, at bawat isa ay mahalaga upang maintindihan ang buong nobela. Ang iilan sa mga pangyayaring ito ay ang pagkabangon ng asawa ni Shadow
galing sa libingan, ang paglilibot ni Shadow at Wednesday ng buong Amerika upang hikayatin ang mga lumang diyos na lumaban, upang hindi tuluyang mapalitan ng mga lumang diyos, ang pagkamatay ni Wednesday, at ang pagsasakatuparan ng tunay na plano ni Wednesday. Lahat ito, at marami pa ay kailangang intindihin ng mabuti upang makuha natin ang mensaheng ipinapahiwatig ng buong nobela. Mahirap talaga unawain ang nobelang ito, na kailangan talaga ng maayos na pagsusuri, ngunit tuluyan ka paring magbabasa dahil sa kanyang kasimplihan ng kuwento.

           Sa ating pagbabasa rin ay makikita natin ang Amerika sa ibang perspektibo. Makikita natin ang iba't ibang lugar na parang hindi mo mapapansin, dahil sa kanilang paglalarawan sa libro. Tungkol nga naman ito sa Amerika, kaya natural lamang na maglagay dito ng mga lugar sa Amerika, diba? Ngunit mas detalyado ang kanilang paglalarawan sa libro, na parang kahit hindi ka pa nakapunta roon ay parang naroon ka mismo dahil sa pagbabasa nito. Hindi lang yun, mas napapansin na rin ang mga makamundong mga elemento ng "background" ng kuwento. Dahil din sa elemento ng pantasiya sa libro, nakikita natin sila bilang mahiwagang mga lugar sa kuwento, kahit napaka ordinaryo pa nila. Mapapansin natin ang hiwagang taglay nila noon pa. 

            Iyan ang balat at laman ng ating mangga. Ngayon naman ay pag-usapan natin ang kanyang buto. 

            Dahil nga malawak ang sakop ng nobelang ito, mahirap din maunawaan ang tunay na mensahe ng nobelang ito. Kailangan natin suriin lahat ng nangyari kay Shadow. Kailangan natin suriin ang mga diyos na maglalaban, at kung ano ang dahilan ng kanilang alitan, kung ano ang naging buhay ng mga lumang diyos nang sila'y tuluyan nang kinalimutan. Mahirap nga kunin ang mensahe sa tekstong ito, ngunit simple lamang ang  nais niyang ipahiwatig.  

        Hindi nawawala ang nakaraan. Hindi lang basta-basta mamatay ang kulturang dala-dala ng tao sa kanilang pagkatao. Lahat ng mga lahi at kulturang ito na naging impluwensiya sa lipunan ay hindi mawawala, kundi magiging bahagi na rin ng modernong kultura ng Amerika. Amerika nga lamang ang kinilala sa nobelang ito, ngunit totoo ito sa lahat ng bansa sa mundo. Hindi nawawala ang nakaraan, ang mga dating kultura, ang mga lumang diyos ng tao , sa mundo. Andyan parin sila, parte ng ating kultura, kahit hindi na ito masyadong halata. Makikita natin ito sa anyo ng mga lumang diyos. Naninirahan parin sila sa Amerika kahit halos mawala na sila sa mundo, ngunit sila'y katiting na parte na lamang ng kung ano sila dati ang natitira.

           Dahil sa pagkalimot ng tao sa mga dating kulturang ito, unti-unti na itong nawawala. Isa pa ito sa gustong iparating ni Neil Gaiman. Maraming nawawala kapag nawalan na ng "identity" ang mga mayayamang kultura ito dahil sa pag-angat ng mga modernong panahon.Ang dating kulturang puwede pa nating ipagmalaki ay tuluyan nang lumalaho dahil sa "pagsamba" ng mga tao sa teknolohiya at mga makina at dahil kinalimutan na ang kulturang ipinamana sa atin ng ating mga ninuno. Hindi naman sa masama ang "modernization", ngunit hindi rin naman dapat natin kalimutan ang nakaraan, ang kulturang iniwan sa atin. Sa nobela, nakikita natin ito sa tuluyang paglaho ng mga lumang diyos, na dati ay pinahahalagahan, at sa pagnanais ng mga diyos ng modernong panahon na patumbahin ang mga lumang diyos na ito, dahil laos na raw sila, hindi na kinakailangan ng tao, kinalimutan na nga sila. 

        Ito ang tunay na mensahe ng American Gods. Ito ang katotohanan na nais ni Neil Gaiman na maiparating, na kung tuluyan nga nating kakalimutan ang dating kultura, ay nawawalan na ng yaman ang ating pamumuhay. Kultura ang nagbibigay sa atin ng kulay at yaman sa buhay. Ipinapakita nito kung ano tayo, pero kapag kinalimutan na natin ito, mawawalan na rin tayo ng "identity", magiging alipin na lamang sa mga modernong teknolohiya. Ngunit kahit makalimutan parin ang mga kulturang ito, bahagi na sila ng ating pagkatao. Kahit sabihin mo na hindi ka naniniwala sa ganito o sa ganyan, naging parte parin ng iyong pagkatao ang kulturang iyon. Nakalimutan man sila, ang mga lumang diyos ay hindi mawawala ng tuluyan. Nawawalan na lamang sila ng halaga sa buhay ng tao, at iyon ang masaklap. Kaya dapat iwasan natin ito na mangyari. Si Neil Gaiman ay hindi Amerikano, kundi British. Isinulat niya siguro ito bilang handog sa Amerika, dahil sa kanyang pagmamahal ng kulturang Europa, na naging bahagi rin ng kulturang Amerikano, na ayaw niyang mawala ng tuluyan sa kaisipan ng mga tao. Ayaw niyang mawala ang iba't ibang kulturang na naging basehan ng kasalukuyang kultura ng lipunan. Ito ang katotohanan  na gusto niyang maiparating sa mundo, hindi lamang sa Amerika, na dapat huwag kalimutan ang pinagsimulan, ang mga kultura, ang ating mga ninuno, dahil palagi parin sila nasa iyong pagkatao. Huwag mo nang itago, kundi dapat ipagmalaki mo na naging bahagi ka ng kulturang iyon


"American Gods"
A Novel by Neil Gaiman

Salamat po sa pagbabasa :)

-Katapusan ng Ikalawang Online Journal-                                                                                                       

Saturday 30 June 2012

Filipino Online Journal #1: Panitikan sa "Somebody That I Used to Know" by Gotye feat. Kimbra

Ano nga ba ang panitikan? Maraming kahulugan ang panitikan. Marami sigurong taong magsasabing ito'y mga kasulatan lamang, gaya ng mga tula, nobela, o mga maiikling kuwento na binabasa lamang. May mga magsasabing panitikan din ang mga dula, mga kuwentong tinatanghal sa entablado. Ngunit ang panitikan ay 'di lamang limitado sa ganyang mga anyo. Sa aming klase sa Filipino, inilarawan namin ang panitikan bilang "sining na may sariling pamantayan ng estetika ng wika, na nagpapahyag ng mensahe na bukas sa interpretasyon ng mambabasa ayon sa sariling mga karanasan." Batay sa kahulugan na ito, sakop na ng panitikan ang halos lahat ng bagay na gumagamit ng wika, kasama na roon ang mga pelikula, mga video, mga kanta, pati na rin ang pag-uusap sa isa't isa, dahil sila'y nagpapahayag ng mensahe sa mga tao. Malaki ang nasasakop ng panitikan, at kasama na rito ang kantang ito:

   

Isa ito sa mga paborito kong kanta. Nagustuhan ko ang tono nung kanta, pati na rin ang kanyang kakaibang 'music video', kung saan bigla nalang silang matatakpan ng mga disenyo ng pintura. Pero paano ba ito maituturing na panitikan? Kung babalikan natin ang kahulugan nito, ang mga kanta at mga video ay kasali sa panitikan. dahil, unang-una, sila ay gumagamit ng wika. Pangalawa, dahil ito ay nagpapahayag ng mensahe na 'di masyadong malinaw, kaya magkakaroon tayo ng iba't ibang interpretasyon, at pangatlo, dahil ito ay nagpapakita ng sining.

Dahil sa wika, maituturing na natin ang kantang ito bilang panitikan. Dahil rin sa wika kaya ito ay nakakapagpahayag ng mas malinaw na mensahe at mas magandang pagpapakita ng kanyang sining. Kung wala yung wika sa video na ito, hindi natin siyang masyadong maiintindihan at hindi rin natin mapahahalagahan ang kanyang likas na kagandahan at sining. Kung walang lyrics at musikang tumutugtog, hindi natin agad makukuha ang mensaheng gustong maiparating sa atin ng mang-aawit. Kung walang wikang ginagamit, hindi na natin ito maituturing na panitikan. Ganoon kahalaga ang wika sa panitikan.

Isa pang aspekto ng kanyang pagiging panitikan ay ang kanyang mensahe. Para sa akin, mahirap intindihin yung gustong iparating ng kantang ito dahil wala pa akong karanasan sa mga relasyon, at tungkol sa mga relasyon ang kantang ito, ngunit simple lamang ang kuwentong gustong ipahiwatig ng kanta. Galit si Gotye sa dati niyang kasintahan dahil iniiwasan siya lagi nito, kahit sabi ng babae na magiging magkaibigan pa rin sila. Hindi alam ng lalaki, nakakaapekto na pala ang kanyang obsesiyon sa kanyang ex sa kasalukuyan niyang relasyon kay Kimbra (sa video lamang) . Akala naman ng babae na siya ang problema sa kanilang relasyon, ngunit nang mahalata niyang hindi pa rin maka "move on" si Gotye sa dati niyang relasyon, ayaw na niyang  dalhin lahat ng problema niya. Kaya sa katapusan ng kanta, naghiwalay rin sila dahil sa mga problema ni Gotye.

Ang video na ito ay mayroon din na sining, dahil sa musika, dahil sa mga lyrics at dahil sa rin sa video mismo.  Sabi nga diba, magiging sining lamang ang bagay kung mahirap ito intindihin, at para sa akin, mahirap pa rin intindihin ang kantang ito, lalong lalo na ang kanyang video, dahil sa mga abstract na disenyo na biglang bumalot sa kanilang katawan at sa buong kuwarto. Ngunit, dahil sa kanyang pagiging kakaiba, mas napahalagahan ko yung video. Ito nga ang isa sa mga dahilan kung bakit nagustuhan ko itong videong ito.

Kaya yun. Maituturing nating panitikan ang kantang ito dahil nga sa wika, sa taglay nitong kagandahan at sining, at sa mensaheng gusto nitong iparating.

 "Somebody That I Used to Know" by Gotye feat. Kimbra


-Katapusan ng  Unang Online Journal-
Salamat po sa pagbabasa! :)