Friday 27 July 2012

Filipino Online Journal #4: Final Fantasy X

 Ngayong linggo, tinalakay namin ang mga iba't ibang katangian ng moderno at tradisyonal na panitikan, sa isa nitong anyo, ang maikling kwento. Ang tradisyunal daw na panitikan ay romantiko, at may ideyal na kaayusan ng mga bagay. Ito rin ay patriyarkal at sumusunod sa mga istiryutipo, lalo na sa kasarian. Sa mga tradisyunal na maiikling kwento, may katangian ito ng pagiging didaktiko (nagtuturo ng aral), at laging may malinaw kung sino ang mga masaama at kung sino ang mga mabubuti, dahil sa tradisyonal na mga kwento, halos laging may good vs. evil na konsepto.

Ang moderno naman ay realistiko. Ito ay praktikal at makatotohanan. Mayroon din itong taglay na malayang pag-iisip, at mga liberal na ideya. Hindi na rin masyadong nakikita ang mga tipikal na istiryutipo ng mga tao, lalo na sa kasarian.


Paguusapan ko naman ngayon ang isa sa mga paborito kong video game, ang Final Fantasy X. Hindi ko lang ito nagustuhan dahil sa kanyang gameplay, kundi pati na rin sa kanyang magandang istorya at soundtrack (musika). Mababasa niyo ang kanyang kuwento dito: http://finalfantasy.wikia.com/wiki/Final_Fantasy_X. Mayroon din ditong mga link na magpapakita ng mga character description ng mga tauhan at kung ano-ano pang may kaugnayan sa kanyang kuwento. 


Para sa akin, ang kanyang kuwento ay may halong tradisyonal at modernong mga aspekto. Ito ay tradisyonal dahil mayroon itong tema ng romantisismo, na makikita natin sa dalawang bida sa laro, sina Tidus at Yuna. Sa buong kuwento, makikita natin ang kanilang love story. Sa eksenang ito, dito na makikita ang kanilang pagmamahal sa isa't isa, kung saan parang inisip na rin nilang umalis na lamang at magsama :


Image du Blog chocoboworld.centerblog.net
Sin
Isa pang tradisyonal na katangian nito ay ang pagkaroon ng istiryutipo sa kasarian, kahit hindi naman masyado. Si Yuna ay pinapakita bilang isang mahinang babae, na kailangan ng maraming tagapagtanggol sa kanyang pilgrimage, ngunit ito' sa pisikal lamang, dahil mayroon siyang malakas na kalooban. Ipinapakita rin na isang malakas na lalake si Tidus sa kuwento, ngunit hindi siya ang nasusunod dito dahil siya lamang ay baguhan sa mundo nina Yuna. Tradisynal din ito dahil, sa simula palang, alam mo na kung sino ang dahilan ng kanilang paghihirap, si Sin, na sumira sa kanilang mga lungsod, dahil sa kanyang monstrous na anyo. Ngunit, isa lamang siya sa mga kontrabida ng  game  na ito. Isa pang pagkatradisyonal nito ay ang good vs evil  na tema, na nagsimula pa noon sa mga tradisyonal na mga kuwento.
Simbolo ni Yevon



Mayroon din itong mga modernong aspekto. Isa na dito ang ideya ng paghihimagsik sa huli, na kung saan nalaman na ng ating mga bida ang katotohanan sa kanilang relihiyon, na sumisilbi na ring basehan ng kanilang gobyerno, ang Teachings of Yevon, at ang mga masasamang intensyon ng isa sa kanyang mga lider na si Seymour. Sila'y nagrebelde dahil dito. Dahil sa ideya ng paghihimagsik, mayroon na ring liberal na kaisipan na nailagay sa kuwento. 
Seymour

Isa pang aspekto ay ang kumplikado nitong pagpapakita ng mga kontrabida. Sa simula at hanggang sa dulo, si Sin nga ang pangunahing kalaban, ngunit hindi siya ang dahilan ng lahata ng gulo. Si Yu Yevon ang dahilan nitong lahat, kahit wala siyang direktang koneksyon sa ating mga bida. At, may isa pang kontrabidang lalabas, si Seymour, na masasabing pinakakontrabida sa kanilang lahat, dahil siya ang may pinaka maraming interaksyon sa mga bida. Tradisyonal nga ito dahil nakita natin na si Sin ay isang pangunahin na kontrabida, ang direktang dahilan ng kanilang paghihirap, at dahil sa itsura ni Seymour, na sa isang tingin palang, parang nakikita mong hindi siyang ordinaryong tauhan lamang, ngunit moderno rin ito dahil mas malalim pa at mas kumplikado ang pagkilala natin sa tunay na mga kontrabida.


Ito ay ang mga paborito kong musika na galing sa Final Fantasy X. Ang mga video ay nagpapakita ng mga iba't ibang parte ng kuwento.





Ito naman ay mga eksena sa FFX:









Salamat po sa pagbabasa! :)

Sunday 22 July 2012

Filipino Online Journal #3: Mutya ng Ateneo Entablado

 
            Para sa akin, ang dalawang dula na itinanghal noong Mutya ay parehong tradisyonal at moderno. Ang unang dulang “Mga Santong Tao” para sa akin, ay mas tradisyonal. Ang dulang ito ay tungkol sa paghihiganti ng mag-asawang sina Tinay at Ambrosio sa mga makapangyarihang mga tao sa kanilang lugar, dahil sa kanilang mga masamang balak kay Tinay.  Ito ay isang tradisyonal na dula dahil sa dayalogong ginamit. Lahat ng linya ng mga karakter sa tula ay patula, na may tugma. Ito ay isa sa mga katangian ng tradisyonal ng panitikan. Gumagamit din kasi ito ng parang malalalim o makalumang mga salita.

 Isa pang dahilan kung bakit ito ay tradisyonal ay dahil sa kanyang tagpuan, panahon pa siguro ng mga Kastila, panahon kung kalian relihiyon pa ang namumuno. Nakikita natin ito sa mataas na posisyon ng kura sa kanilang bayan, sa ipinakitang mga inukit na imahe ni Jesus sa kahoy, at pati na rin sa mga pagpuwesto ng mga kontrabida sa dula nang sila’y pinatago sa silid. Masasabi na rin naing tradisyonal ang dula, dahil sa papel ng relihiyon dito.

Ngunit, mayroon ding modernong mga katangian ang dula. Isa na dito ay ang kanyang komdeya. Ito ay umiikot sa erotisismo at sekswal na mga tema, na nakikita natin sa kanilang mga sinasabi, at mga aksyon. Ang ganitong tema ay hindi mo masyadong makikita sa mga tradisyonal na panitikan. Isa pang modernong aspekto nito ay ang pagkakaroon ng bidang babae na hindi lamang sunud-sunuran sa kanyang asawa. Sa dulang ito, siya pa nga ang nag-isip ng plano kung papaano lolokohin tatlong lalaki. Ang pagsama ng peminismo sa dula ay isa nang katangian ng modernong panitikan.

Ang ikalawang dula naman , “Ang Sistema ni Propesor Tuko”, ay tungkol sa sistema ng pagtuturo ni propesor Tuko, na para sa kanyang mga estudyante, ay masyado nang makaluma, at paulit-ulit na lamng ginagamit. Para sa akin, ito ay mas moderno kumpara sa unang dula. Isa sa mga dahilan ng kanyang pagiging moderno ay ang paggamit ng wikang Ingles. Syempre, wala pang wikang Ingles noon sa mga tradisyonal na panitikan, dahil wala pang mga Amerikano sa Pilipinas ng panahong iyon.

Marami pang ibang modernong katangian ang makikita sa dula. Hindi na siya sumusunod sa patulang mga dayalogo. Mas naiintindihan na ang mga sinasabi ng mga tao sa dula dahil hindi gaanong malalim ang mga salitang ginamit. Nagpapakita din ito ng mga modernong “pop culture”.  Marami pang mga modernong bagay ang nabanggit, gaya ng pagtratrabaho ni Propesor Tuko sa Jollibee, ang pagbanggit sa mga katauhang sina Phillip Phillips at Charice Pempengco, ang pagtukoy sa basketbol, at ang pagtalakay sa lipunan ngayon.

 Gaya ng sa unang dula, mayroon din itong tradisyonal na katangian, katulad ng colonial mentality, na makikita natin kay Propesor Tuko, na mahilig lamang sa mga ginawa ng mga dayuhan. Ang colonial mentality ay nagsimula noong panahon pa ng mga Kastila, kung saan nangarap ang mga Indio na maging mataas sa lipunan. Isa pa ay an temang panloloko, na isang temang kadalasang ginagamit sa mga tradisyonal na panitikan.




Ito ay ang unang bahagi ng isang "musical" ng StarKid Productions, isang grupo ng mga dating estudyante ng University of Michigan, School of Modern Theater and Dance. Ito ay isang "parody" ng Harry Potter. Nilagay ko ito dahil para siyang tradisyonal na dula, dahil sa kanyang tema ng "magic", dahil ng sa Harry Potter at ang pagsabay ng romantisismo sa kuwento, na makikita sa tema ng pagkakaibigan sa dula, ngunit parang moderno na rin ito dahil sa kanyang komedya, pagtatanghal at mga modernong "pop culture reference". 




Salamat po sa pagbabasa :)

Katapusan ng Ikatlong Online Journal

Sunday 8 July 2012

Filipino Online Journal #2: American Gods


            Ngayong linggo naman ay tinalakay namin ang tulang " Payo Sa Bumabasa ng Tula" ni Ronaldo S. Tinio. Sa tulang ito inihambing ang pagbabasa ng tula sa pagkain ng mangga. Ang balat ng mangga ay ang istraktura at titulo ng tula. Ang laman naman ay ang mga salita, ang nilalaman ng tula at ang buto naman ay ang kahulugan ng buong tula, ang katotohanang makikita sa tula pagkatapos ng maayos na pagsusuri ng kanyang nilalaman. Para mas lalo naming maintindihan ang tula ay kumain din kami ng mangga, at inilarawan namin ang karanasang ito. Ngunit, hindi  ito totoo para sa tula lamang, pati na rin sa halos lahat ng anyo ng panitikan. Lahat ng anyo ng panitikan ay kailangan mong suriin ng mabuti, simula sa kanyang istraktura, ang titulo, ang mga tauhan, ang kanyang kaayusan, hanggang sa kanyang kahulugan o mensaheng gustong iparating ng may-akda. Para sa akin, ganito halos lahat ng pagsusuri ng panitikan, parang kumakain ka ng mangga, kaya gagawin ko rin ito sa isa sa aking mga paboritong nobela, ang "American Gods" ni Neil Gaiman. 

            Sa pamagat at itsura pa lamang ng kanyang pabalat ay napaiisip ka na kung tungkol saan ba ang librong ito. Nagkakaroon na tayo ng ideya, kahit malabo, kung anong klaseng tema ang gamit ng libro, kung ano ang kuwentong nilalaman ng nobela. Sinasabi na sa atin ng cover na parang may papalapit na bagyo, na sumisimbulo sa gulong mangyayari sa libro. Para ngang balat ng mangga, na makikita mo kung hinog ba ito o hilaw, kung iba ba itong klase ng mangga. Madilim ang tema ng nobelang ito, tungkol sa paglalaho ng mga  lumang diyos sa Amerika, ang mga diyos ng iba't ibang kultura at relihiyon na dala-dala ng mga taong sa kanilang mga isipan at paniniwala nang lumipat sa Amerika, dahil sila'y unti-unti nang kinakalimutan ng mga tao., at pinapalitan ng mga bagong diyos, kagaya ng kompyuter, plastik at Internet, mga simbolo ng modernong kultura ng Amerika, at ang kanilang malaking digmaan. Sinunsundan din nito ang kuwento ni Shadow, dating preso na kinuha ng isa sa mga lumang diyos upang tulungan siya sa kanyang mga plano.

             Gaya ng sabi ko kanina, kasali sa balat ang mga tauhan sa kuwento at ang kanilang mga katangian. Bahagi pa rin ito ng ating unang pagsusuri ng nobela kapag tayo'y nagbabasa, ang pagiintindi sa mga tauhan ng kuwento. Ang mga pangunahing tauhan dito ay si Shadow at si Mr. Wednesday. Si Shadow ay isang malaking tao, maitim, ngunit tahimik at matalas ang isip. Si Wednesday naman ay isang manloloko na hindi dapat pagkatiwalaan, at siya ang humihikayat sa mga lumang diyos na lumaban at makidigmaan sa mga bagong diyos ng Amerika. Silang dalawa ang una nating napapansin kapag binasa ang nobela, bahagi na sila ng balat, ang una mong nakikita sa mangga.


          Ngayon naman ay balatan na natin ang mangga, suriin naman natin ang laman nito. Sa aming pagtatalakay, kailangan daw hindi magmadali sa pagsusuri ng laman. Ito'y dahil hindi mo lubos na maiintindihan ang iyong binabasa kung magmamadali kang analisahin ang mga salita. Mahirap suriin ang nobelang ito dahil masyadong maraming mga pangayayari ang nagaganap, at bawat isa ay mahalaga upang maintindihan ang buong nobela. Ang iilan sa mga pangyayaring ito ay ang pagkabangon ng asawa ni Shadow
galing sa libingan, ang paglilibot ni Shadow at Wednesday ng buong Amerika upang hikayatin ang mga lumang diyos na lumaban, upang hindi tuluyang mapalitan ng mga lumang diyos, ang pagkamatay ni Wednesday, at ang pagsasakatuparan ng tunay na plano ni Wednesday. Lahat ito, at marami pa ay kailangang intindihin ng mabuti upang makuha natin ang mensaheng ipinapahiwatig ng buong nobela. Mahirap talaga unawain ang nobelang ito, na kailangan talaga ng maayos na pagsusuri, ngunit tuluyan ka paring magbabasa dahil sa kanyang kasimplihan ng kuwento.

           Sa ating pagbabasa rin ay makikita natin ang Amerika sa ibang perspektibo. Makikita natin ang iba't ibang lugar na parang hindi mo mapapansin, dahil sa kanilang paglalarawan sa libro. Tungkol nga naman ito sa Amerika, kaya natural lamang na maglagay dito ng mga lugar sa Amerika, diba? Ngunit mas detalyado ang kanilang paglalarawan sa libro, na parang kahit hindi ka pa nakapunta roon ay parang naroon ka mismo dahil sa pagbabasa nito. Hindi lang yun, mas napapansin na rin ang mga makamundong mga elemento ng "background" ng kuwento. Dahil din sa elemento ng pantasiya sa libro, nakikita natin sila bilang mahiwagang mga lugar sa kuwento, kahit napaka ordinaryo pa nila. Mapapansin natin ang hiwagang taglay nila noon pa. 

            Iyan ang balat at laman ng ating mangga. Ngayon naman ay pag-usapan natin ang kanyang buto. 

            Dahil nga malawak ang sakop ng nobelang ito, mahirap din maunawaan ang tunay na mensahe ng nobelang ito. Kailangan natin suriin lahat ng nangyari kay Shadow. Kailangan natin suriin ang mga diyos na maglalaban, at kung ano ang dahilan ng kanilang alitan, kung ano ang naging buhay ng mga lumang diyos nang sila'y tuluyan nang kinalimutan. Mahirap nga kunin ang mensahe sa tekstong ito, ngunit simple lamang ang  nais niyang ipahiwatig.  

        Hindi nawawala ang nakaraan. Hindi lang basta-basta mamatay ang kulturang dala-dala ng tao sa kanilang pagkatao. Lahat ng mga lahi at kulturang ito na naging impluwensiya sa lipunan ay hindi mawawala, kundi magiging bahagi na rin ng modernong kultura ng Amerika. Amerika nga lamang ang kinilala sa nobelang ito, ngunit totoo ito sa lahat ng bansa sa mundo. Hindi nawawala ang nakaraan, ang mga dating kultura, ang mga lumang diyos ng tao , sa mundo. Andyan parin sila, parte ng ating kultura, kahit hindi na ito masyadong halata. Makikita natin ito sa anyo ng mga lumang diyos. Naninirahan parin sila sa Amerika kahit halos mawala na sila sa mundo, ngunit sila'y katiting na parte na lamang ng kung ano sila dati ang natitira.

           Dahil sa pagkalimot ng tao sa mga dating kulturang ito, unti-unti na itong nawawala. Isa pa ito sa gustong iparating ni Neil Gaiman. Maraming nawawala kapag nawalan na ng "identity" ang mga mayayamang kultura ito dahil sa pag-angat ng mga modernong panahon.Ang dating kulturang puwede pa nating ipagmalaki ay tuluyan nang lumalaho dahil sa "pagsamba" ng mga tao sa teknolohiya at mga makina at dahil kinalimutan na ang kulturang ipinamana sa atin ng ating mga ninuno. Hindi naman sa masama ang "modernization", ngunit hindi rin naman dapat natin kalimutan ang nakaraan, ang kulturang iniwan sa atin. Sa nobela, nakikita natin ito sa tuluyang paglaho ng mga lumang diyos, na dati ay pinahahalagahan, at sa pagnanais ng mga diyos ng modernong panahon na patumbahin ang mga lumang diyos na ito, dahil laos na raw sila, hindi na kinakailangan ng tao, kinalimutan na nga sila. 

        Ito ang tunay na mensahe ng American Gods. Ito ang katotohanan na nais ni Neil Gaiman na maiparating, na kung tuluyan nga nating kakalimutan ang dating kultura, ay nawawalan na ng yaman ang ating pamumuhay. Kultura ang nagbibigay sa atin ng kulay at yaman sa buhay. Ipinapakita nito kung ano tayo, pero kapag kinalimutan na natin ito, mawawalan na rin tayo ng "identity", magiging alipin na lamang sa mga modernong teknolohiya. Ngunit kahit makalimutan parin ang mga kulturang ito, bahagi na sila ng ating pagkatao. Kahit sabihin mo na hindi ka naniniwala sa ganito o sa ganyan, naging parte parin ng iyong pagkatao ang kulturang iyon. Nakalimutan man sila, ang mga lumang diyos ay hindi mawawala ng tuluyan. Nawawalan na lamang sila ng halaga sa buhay ng tao, at iyon ang masaklap. Kaya dapat iwasan natin ito na mangyari. Si Neil Gaiman ay hindi Amerikano, kundi British. Isinulat niya siguro ito bilang handog sa Amerika, dahil sa kanyang pagmamahal ng kulturang Europa, na naging bahagi rin ng kulturang Amerikano, na ayaw niyang mawala ng tuluyan sa kaisipan ng mga tao. Ayaw niyang mawala ang iba't ibang kulturang na naging basehan ng kasalukuyang kultura ng lipunan. Ito ang katotohanan  na gusto niyang maiparating sa mundo, hindi lamang sa Amerika, na dapat huwag kalimutan ang pinagsimulan, ang mga kultura, ang ating mga ninuno, dahil palagi parin sila nasa iyong pagkatao. Huwag mo nang itago, kundi dapat ipagmalaki mo na naging bahagi ka ng kulturang iyon


"American Gods"
A Novel by Neil Gaiman

Salamat po sa pagbabasa :)

-Katapusan ng Ikalawang Online Journal-