Ngayong linggo naman ay tinalakay namin ang tulang " Payo Sa Bumabasa ng Tula" ni Ronaldo S. Tinio. Sa tulang ito inihambing ang pagbabasa ng tula sa pagkain ng mangga. Ang balat ng mangga ay ang istraktura at titulo ng tula. Ang laman naman ay ang mga salita, ang nilalaman ng tula at ang buto naman ay ang kahulugan ng buong tula, ang katotohanang makikita sa tula pagkatapos ng maayos na pagsusuri ng kanyang nilalaman. Para mas lalo naming maintindihan ang tula ay kumain din kami ng mangga, at inilarawan namin ang karanasang ito. Ngunit, hindi ito totoo para sa tula lamang, pati na rin sa halos lahat ng anyo ng panitikan. Lahat ng anyo ng panitikan ay kailangan mong suriin ng mabuti, simula sa kanyang istraktura, ang titulo, ang mga tauhan, ang kanyang kaayusan, hanggang sa kanyang kahulugan o mensaheng gustong iparating ng may-akda. Para sa akin, ganito halos lahat ng pagsusuri ng panitikan, parang kumakain ka ng mangga, kaya gagawin ko rin ito sa isa sa aking mga paboritong nobela, ang "American Gods" ni Neil Gaiman.
Sa pamagat at itsura pa lamang ng kanyang pabalat ay napaiisip ka na kung tungkol saan ba ang librong ito. Nagkakaroon na tayo ng ideya, kahit malabo, kung anong klaseng tema ang gamit ng libro, kung ano ang kuwentong nilalaman ng nobela. Sinasabi na sa atin ng cover na parang may papalapit na bagyo, na sumisimbulo sa gulong mangyayari sa libro. Para ngang balat ng mangga, na makikita mo kung hinog ba ito o hilaw, kung iba ba itong klase ng mangga. Madilim ang tema ng nobelang ito, tungkol sa paglalaho ng mga lumang diyos sa Amerika, ang mga diyos ng iba't ibang kultura at relihiyon na dala-dala ng mga taong sa kanilang mga isipan at paniniwala nang lumipat sa Amerika, dahil sila'y unti-unti nang kinakalimutan ng mga tao., at pinapalitan ng mga bagong diyos, kagaya ng kompyuter, plastik at Internet, mga simbolo ng modernong kultura ng Amerika, at ang kanilang malaking digmaan. Sinunsundan din nito ang kuwento ni Shadow, dating preso na kinuha ng isa sa mga lumang diyos upang tulungan siya sa kanyang mga plano.
Gaya ng sabi ko kanina, kasali sa balat ang mga tauhan sa kuwento at ang kanilang mga katangian. Bahagi pa rin ito ng ating unang pagsusuri ng nobela kapag tayo'y nagbabasa, ang pagiintindi sa mga tauhan ng kuwento. Ang mga pangunahing tauhan dito ay si Shadow at si Mr. Wednesday. Si Shadow ay isang malaking tao, maitim, ngunit tahimik at matalas ang isip. Si Wednesday naman ay isang manloloko na hindi dapat pagkatiwalaan, at siya ang humihikayat sa mga lumang diyos na lumaban at makidigmaan sa mga bagong diyos ng Amerika. Silang dalawa ang una nating napapansin kapag binasa ang nobela, bahagi na sila ng balat, ang una mong nakikita sa mangga.
Ngayon naman ay balatan na natin ang mangga, suriin naman natin ang laman nito. Sa aming pagtatalakay, kailangan daw hindi magmadali sa pagsusuri ng laman. Ito'y dahil hindi mo lubos na maiintindihan ang iyong binabasa kung magmamadali kang analisahin ang mga salita. Mahirap suriin ang nobelang ito dahil masyadong maraming mga pangayayari ang nagaganap, at bawat isa ay mahalaga upang maintindihan ang buong nobela. Ang iilan sa mga pangyayaring ito ay ang pagkabangon ng asawa ni Shadow
galing sa libingan, ang paglilibot ni Shadow at Wednesday ng buong Amerika upang hikayatin ang mga lumang diyos na lumaban, upang hindi tuluyang mapalitan ng mga lumang diyos, ang pagkamatay ni Wednesday, at ang pagsasakatuparan ng tunay na plano ni Wednesday. Lahat ito, at marami pa ay kailangang intindihin ng mabuti upang makuha natin ang mensaheng ipinapahiwatig ng buong nobela. Mahirap talaga unawain ang nobelang ito, na kailangan talaga ng maayos na pagsusuri, ngunit tuluyan ka paring magbabasa dahil sa kanyang kasimplihan ng kuwento.
Sa ating pagbabasa rin ay makikita natin ang Amerika sa ibang perspektibo. Makikita natin ang iba't ibang lugar na parang hindi mo mapapansin, dahil sa kanilang paglalarawan sa libro. Tungkol nga naman ito sa Amerika, kaya natural lamang na maglagay dito ng mga lugar sa Amerika, diba? Ngunit mas detalyado ang kanilang paglalarawan sa libro, na parang kahit hindi ka pa nakapunta roon ay parang naroon ka mismo dahil sa pagbabasa nito. Hindi lang yun, mas napapansin na rin ang mga makamundong mga elemento ng "background" ng kuwento. Dahil din sa elemento ng pantasiya sa libro, nakikita natin sila bilang mahiwagang mga lugar sa kuwento, kahit napaka ordinaryo pa nila. Mapapansin natin ang hiwagang taglay nila noon pa.
Iyan ang balat at laman ng ating mangga. Ngayon naman ay pag-usapan natin ang kanyang buto.
Dahil nga malawak ang sakop ng nobelang ito, mahirap din maunawaan ang tunay na mensahe ng nobelang ito. Kailangan natin suriin lahat ng nangyari kay Shadow. Kailangan natin suriin ang mga diyos na maglalaban, at kung ano ang dahilan ng kanilang alitan, kung ano ang naging buhay ng mga lumang diyos nang sila'y tuluyan nang kinalimutan. Mahirap nga kunin ang mensahe sa tekstong ito, ngunit simple lamang ang nais niyang ipahiwatig.
Hindi nawawala ang nakaraan. Hindi lang basta-basta mamatay ang kulturang dala-dala ng tao sa kanilang pagkatao. Lahat ng mga lahi at kulturang ito na naging impluwensiya sa lipunan ay hindi mawawala, kundi magiging bahagi na rin ng modernong kultura ng Amerika. Amerika nga lamang ang kinilala sa nobelang ito, ngunit totoo ito sa lahat ng bansa sa mundo. Hindi nawawala ang nakaraan, ang mga dating kultura, ang mga lumang diyos ng tao , sa mundo. Andyan parin sila, parte ng ating kultura, kahit hindi na ito masyadong halata. Makikita natin ito sa anyo ng mga lumang diyos. Naninirahan parin sila sa Amerika kahit halos mawala na sila sa mundo, ngunit sila'y katiting na parte na lamang ng kung ano sila dati ang natitira.
Dahil sa pagkalimot ng tao sa mga dating kulturang ito, unti-unti na itong nawawala. Isa pa ito sa gustong iparating ni Neil Gaiman. Maraming nawawala kapag nawalan na ng "identity" ang mga mayayamang kultura ito dahil sa pag-angat ng mga modernong panahon.Ang dating kulturang puwede pa nating ipagmalaki ay tuluyan nang lumalaho dahil sa "pagsamba" ng mga tao sa teknolohiya at mga makina at dahil kinalimutan na ang kulturang ipinamana sa atin ng ating mga ninuno. Hindi naman sa masama ang "modernization", ngunit hindi rin naman dapat natin kalimutan ang nakaraan, ang kulturang iniwan sa atin. Sa nobela, nakikita natin ito sa tuluyang paglaho ng mga lumang diyos, na dati ay pinahahalagahan, at sa pagnanais ng mga diyos ng modernong panahon na patumbahin ang mga lumang diyos na ito, dahil laos na raw sila, hindi na kinakailangan ng tao, kinalimutan na nga sila.
Ito ang tunay na mensahe ng American Gods. Ito ang katotohanan na nais ni Neil Gaiman na maiparating, na kung tuluyan nga nating kakalimutan ang dating kultura, ay nawawalan na ng yaman ang ating pamumuhay. Kultura ang nagbibigay sa atin ng kulay at yaman sa buhay. Ipinapakita nito kung ano tayo, pero kapag kinalimutan na natin ito, mawawalan na rin tayo ng "identity", magiging alipin na lamang sa mga modernong teknolohiya. Ngunit kahit makalimutan parin ang mga kulturang ito, bahagi na sila ng ating pagkatao. Kahit sabihin mo na hindi ka naniniwala sa ganito o sa ganyan, naging parte parin ng iyong pagkatao ang kulturang iyon. Nakalimutan man sila, ang mga lumang diyos ay hindi mawawala ng tuluyan. Nawawalan na lamang sila ng halaga sa buhay ng tao, at iyon ang masaklap. Kaya dapat iwasan natin ito na mangyari. Si Neil Gaiman ay hindi Amerikano, kundi British. Isinulat niya siguro ito bilang handog sa Amerika, dahil sa kanyang pagmamahal ng kulturang Europa, na naging bahagi rin ng kulturang Amerikano, na ayaw niyang mawala ng tuluyan sa kaisipan ng mga tao. Ayaw niyang mawala ang iba't ibang kulturang na naging basehan ng kasalukuyang kultura ng lipunan. Ito ang katotohanan na gusto niyang maiparating sa mundo, hindi lamang sa Amerika, na dapat huwag kalimutan ang pinagsimulan, ang mga kultura, ang ating mga ninuno, dahil palagi parin sila nasa iyong pagkatao. Huwag mo nang itago, kundi dapat ipagmalaki mo na naging bahagi ka ng kulturang iyon
"American Gods"
A Novel by Neil Gaiman
Salamat po sa pagbabasa :)
-Katapusan ng Ikalawang Online Journal-